Testigo laban sa mga pulis na nagpo-protekta kay Kerwin Espinosa, patay sa pamamaril

Kuha ni Robert Dejon
Kuha ni Robert Dejon

Isang testigo sa mga kaso laban sa mga pulis na sinasabing nagpo-protekta sa self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, ang napatay sa pamamaril ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Juan Luna St., Ormoc City, Leyte kagabi.

Nanonood lamang si Ferdinand Rondina ng telebisyon sa tindahan ng barbecue ng kaniyang kapatid sa labas ng kaniyang bahay, nang bigla siyang pagbabarilin ng dalawang suspek sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Nang bumagsak na ang biktima, hindi pa nakuntento ang mga suspek at binaril pa siya sa mukha para tiyakin ang kaniyang pagkamatay.

Isinugod naman siya agad ng kaniyang mga kaanak sa isang pribadong ospital kung saan siya nasawi.

Ayon kay S/Insp. Joseph Joevil Young, hepe ng City Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group, hindi pa nila natutukoy ang motibo sa pagpatay kay Rondina.

Aniya, tumigil na sa bentahan ng iligal na droga si Rondina dahil hindi na sila makabili dito sa kabila ng ilang beses nilang pagtatangka.

Dagdag ni Young, tutulong sila sa imbestigasyon lalo’t posibleng may kinalaman sa iligal na droga ang pagkasawi ng biktima.

Ferdinand Rondina | INQUIRER file photo

Isa si Rondina sa mga katiwala ni Kerwin na taga-bigay ng pera sa mga pulis at lokal na opisyal na hinihingan ng pabor ni Kerwin.

Tumigil na umano ito sa kaniyang operasyon nang sumuko ito sa Oplan Tokhang ng mga pulis.

Sumuko rin siya kay C/Insp. Jovie Espenido na dating hepe ng Albuera police, nang malaman niyang isa siya sa mga pinangalanan ni yumaong Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. na kasapi sa iligal na operasyon ni Kerwin.

Kalaunan ay ginawa na siyang testigo sa mga kasong isinampa ng mga pulis sa kapwa nila pulis na umano’y protektor ng iligal na aktibidad ni Kerwin.

Read more...