Ayon sa transport minister ng Malaysia na si Liow Tiong Lai, nasa final lap na sila ng paghahanap sa susunod na dalawang linggo, at umaasa sila na mahanap na nila ang eroplano.
Wala namang binanggit na partikular na petsa si Liow kung kelan ito tatapusin, pero sinabi niyang magkakaroon ng tripartite meeting pagkatapos ilabas ang final report oras na matapos na ang 120,000 square kilometer search.
Una nang sinabi ng mga otoridad na tatapusin na nila ang paghahanap ngayong taon, at ang huling search vessel ay naglayag na para sa kanilang huling paghahagilap sa southern Indian Ocean noong nakaraang buwan.
Matatandaang biglang naglaho ang Malaysian Airline jet na patungong Beijing mula sa Kuala Lumpur noong March 8, 2014, sakay ang 239 na pasahero at crew.
Pinaniniwalaang bumagsak ang eroplano sa Indian Ocean, ngunit wala ring nahanap na ni isang piraso ng debris sa isinagawang extensive deep-sea hunt sa west coast ng Australia.
Nanawagan naman ang mga kaanak ng mga biktima sa Malaysia, Australia at China na ikunsidera ang susunod na hakbang sa paghahanap bago nila ito tuluyang wakasan.