May kaugnayan ang kaso sa pagnanakaw umano ng pondo ni Romero sa negosyo ng kanilang pamilya na Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI).
Sa kautusan ni Presiding Judge Cicero D. Jurado, walang inirekomendang piyansa kay Romero at kaniyang co-accused na sina Felicia T. Aquino at Edwin L. Jeremillo.
“Wherefore foregoing premises considered, the urgent motion for redetermination of probable cause (with motion to withal issuance of warrant of arrest and dismiss the case outright or suspend proceedings) is denied. Let a warrant of arrest be issued against herein accused,” nakasaad sa kautusan na nilagdaan ni Jurado.
Ang kaso ay may kaugnayan sa matagal nang sigalot sa pagitan ni Rep. Romero at kaniyang amang negosyante na si Reghis M. Romero II, kaugnay sa kontrol at pagpapatakbo ng kumpanya.
Ang kasong qualified theft laban kay Rep. Romero, Aquino at Jeremillo ay isinampa ni Jerome R. Canlas na corporate secretary ng nakatatandang Romero.
Ninakaw umano ng nakababatang Romero ang pondo ng HCPTI nang mag-isyu ito ng labingwalong tseke na nagkakahalaga ng P3.4 million para sa National Food Authority.