WATCH: Lolo na bulag ang isang mata, patay matapos manlaban umano sa buy-bust operation ng mga pulis sa Caloocan

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Nabalot ng iyakan at galit ang madilim na eskinita ng 2nd Avenue, BMA Compound sa Brgy. 120 Caloocan City, dahil isang lolo ang napatay sa buy-bust operation ng Caloocan Police sa lugar.

Si Benedicto Anas, isang senior citizen at bulag ang isang mata ay napatay sa loob ng kaniyang bahay matapos umanong manlaban sa mga pulis. Nakita naman sa tabi niya ang isang sumpak.

Hindi makapaniwala ang mga kaanak ng biktima at ayon sa isa sa mga anak ni Anas, sadyang pinatay ang kanyang ama.

Sa tapat lang ng bahay ni Anas napatay din ang kapitbahay nito na si alyas Jimmy, na nalaban din umano sa mga pulis.

Nakuha sa bulsa ni “Jimmy” ang isang plastic na naglalaman ng shabu, at sa tabi niya nakita ang isang paltik.

Dahil hindi na pwedeng pumasok ang mga kaanak sa crime scene habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng SOCO, nag-abang na lamang ang mga anak ni Anas sa madilim na eskinita.

Nang mailabas na sa lugar ang isang labi na nakalagay sa itim na bodybag, nakiusap sila sa mga staff ng punerarya kung maari makita nilang makita kung kaninong labi ang nailbas.

At nang buksan nila ang bodybag doon na nag-iyakan ang mga kaanak ni Anas.

 

 

Read more...