Rollback sa jeepney fare, makatwiran ayon sa grupong Pasang Masda

Inq fileHihirit ng rollback sa minimum fare para sa pampasaherong jeepney ang grupong Pasang Masda oras na umabot sa P24-level ang presyo sa kada litro ng diesel.

Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, “makatwiran lamang na ibaba sa P7 ang minimum fare at sa tingin namin ay hindi na lugi dito ang mga operators at tsuper ng jeepney”.

Ipinaliwanag rin ni Martin na malaki na ang ibinaba ng presyo ng krudo at inaasahan pa nila ang patuloy na pagbaba nito dahil sa kasalukuyang galaw ng bentahan sa merkado.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, hinamon din ni Martin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gumawa ng fare matrix para sa automatic adjustment sa halaga ng minimum fare sa mga pampasaherong jeepney. “Kapag nagbago ang presyo ng diesel, dapat ay may otomatikong mekanismo ang LTFRB para alam agad ng publiko kung magkano ang dapat nilang ibayad para sa unang apat na kilometro ng kanilang byahe”, paliwanag ni Martin.

Nagtataka rin si Martin dahil matagal na raw nilang naisumite sa LTFRB at Land Transportation Office ang naturang panukala pero hanggang ngayon ay inuupuan lamang ito ng naturang mga ahensya ng pamahalaan. / Den Macaranas

Read more...