Mocha Uson, hindi tatanggapin ang sweldo bilang MTRCB Board Member

Statement ni Mocha Uson | FB postAng kasalukuyang sitwasyon sa industriya ng pelikula at telebisyon ang nagtulak umano kay Mocha Uson para tanggapin ang pwesto bilang bagong board member ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB).

Sa kaniyang blog, nag-post ng mahabang mensahe si Mocha at ipinaliwanag kung bakit niya tinanggap ang pwesto. Ani Mocha, noon pa man hindi niya pinangarap ang pasukin ang “masalimuot na mundo ng pulitika.”

Pero nabalitaan umano niya sa ilang supporters na nangangailangan ng tulong ang administrasyong Duterte sa MTRCB dahil marami ang tumatanggi sa posisyon sa board bunsod ng mababang sahod.

Dahil dito, sinabi ni Mocha na naisipan niyang tumulong at ang kaniyang pagtanggap sa pwesto ay magmimistulang volunteerism dahil ang isa sa kondisyon na kaniyang ibinigay sa pagtanggap sa posisyon ay hindi niya tatanggapin ang sweldo.

Sakali mang paswelduhin pa rin siya sinabi ni Uson na ang 100% ng sahod ay ibibigay niya sa Duterte’s Kitchen (DK) at sa DSWD.

“Tinanggap ko po itong pagiging board ng MTRCB sa kondisyon na wala po akong tatanggaping sweldo. Akin pong i-video/document sa tuwing tatanggap po tayo ng sahod at idederetso natin ito sa DK at DSWD,” paliwanag ni Mocha Uson sa kaniyang post sa Facebook.

Kasabay nito, nangako si Mocha na tutulong para sa pagbabago sa MTRCB.

Tungkol naman sa mga kumakalat na video niya sa Facebook at sa mga bumabatikos na siya ay malaswa, sinabi ni Mocha na matagal na ang nasabing mga video na ina-upload at ikinakalat ng kaniyang haters.

Ani Mocha, ang unang misyon niya sa pagiging MTRCB board member ay huwag hayaang magkaroon o makapagpalabas ng soft porn sa telebisyon lalo na kung primetime.

 

Read more...