Mariing pinabulaanan ni Interior Secretary Mike Sueno ang diumano’y paglalabas ng “shoot-to-kill” order laban sa mga pugante ng North Cotabato District Jail o NCDJ matapos ang nangyaring jailbreak kahapon.
Paliwanag ni Sueno, bagaman may otoridad sila na ipag-utos ang shoot-to-kill order sa Philippine National Police laban sa mga preso ay hindi nila ito gagawin hanggat di manlalaban ang mga ito.
Giit ni Sueno, hindi naman maganda kung basta na lamang papatayin ang mga ito ng walang kalaban-laban dahil sa wala ito sa polisiya na sinusunod ng DILG.
Pero nilinaw ng kalihim na sakaling manlaban ang mga pugante sa ginagawang hot pursuit operation ay mapipilitan silang paputukan o gantihan ang mga preso.
Samantala, itinanggi rin ni PNP Spokesman S/Supt. Dionardo Carlos na mayroon silang natanggap na shoot to kill order laban sa mga preso.
Sa ngayon nasa 132 pa ang bilang ng mga preso na tinutugis pa rin ng pinagsanib na pwersa ng PNP, BJMP at ng AFP.