Suspek sa indiscriminate firing sa QC, napatay ng mga pulis

 

Inquirer file photo

Nasawi ang isang suspek ng indiscriminate firing noong bisperas ng Bagong Taon, matapos umanong makipag-barilan sa mga pulis sa Brgy. Batasan Hills sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director C/Supt. Guillermo Eleazar, aarestuhin na sana ng mga pulis ang suspek na kinilalang si Harold Moises, dahil sa iligal nitong pagpapaputok.

Gayunman, nauwi umano sa engkwentro ang pag-aresto lang sana kay Moises dakong alas-4:30 ng hapon noong Lunes, na siyang ikinasawi ng suspek.

Ayon pa kay Eleazar, isang concerned citizen ang nagsumbong sa mga pulis na namataan si Moises sa may Katangian street sa naturang barangay nang may nakasukbit na baril sa kaniyang baywang.

Ayon din sa mga testigo, nagpaputok umano ng baril ang suspek noong pagsalubong sa Bagong Taon sa kanilang barangay.

Dahil dito, tumungo na doon ang grupo ng mga pulis, ngunit nang paglapit nila, binunot umano ni Moises ang kaniyang cal. .45 na baril at pinaputukan ang mga otoridad.

Gumanti ng putok ang mga pulis laban kay Moises, dahilan para isugod pa siya sa East Avenue Medical Center ngunit idineklara rin siyang patay.

Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang baril, pati na ang tatlong sachet ng shabu.

Read more...