Kaso ng indiscriminate firing dumoble; pero mga nabiktima, nabawasan

 

Dumoble ang bilang ng mga naitalang indiscriminate firing sa pagsalubong ng Bagong Taon na umabot sa 23 mula noong December 16, 2015 hanggang January 2, 2017.

Ito ay kung ikukumpara sa naitalang bilang na 11 kaso ng indiscriminate firing noong nakaraang taon sa parehong panahon.

Samantala, sa loob naman ng 12 hour window ng pulisya mula alas-5:00 ng hapon ng December 31 hanggang January 1, umakyat sa apat ang naitalang kaso kumpara sa nag-iisang naitala noong nakaraang taon.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Directorate for Investigation and Detective Management head C/Supt. Camilo Cascolan, marami ang naitala nilang kaso ngayon dahil mas maagap rin ang pagsusumbong ng publiko kaugnay sa mga iligal na nagpapaputok ng baril.

Mayroon aniya kasing mga kaso ng indiscriminate firing noong nakaraang taon na hindi naman naiulat sa kanila agad kaya hindi naisama sa bilang.

Gayunman, sinabi naman ni Cascolan na bumagsak naman sa 12 ang naitala nilang kaso ng ligaw na bala mula noong Dec. 16, 2016 hanggang Jan. 2, 2017.

Ito ay kung ikukumpara naman sa 55 kasong naitala nila sa parehong panahon ng pagdiriwang ng holiday season noong nakaraang taon.

Paniniwala pa ni Cascolan, ang kanilang maximum deployment pati na rin ang suporta ng mga komunidad ay may malaking naitulong sa pagbaba ng kaso ng ligaw na bala sa taong ito.

Read more...