Nadagdagan pa ng bahagya ang bilang ng mga naitalang firecracker-related injuries base sa datos ng Department of Health (DOH) ilang araw makalipas ang pagsalubong ng Bagong Taon.
Mula kasi sa umpisa ng kanilang monitoring noong December 21 hanggang alas-6:00 ng umaga ng January 3, nakapagtala na ng DOH ng 581 na firecracker-related injuries.
Ayon kay DOH spokesman Dr. Eric Tayag, sa nasabing bilang, 578 ang mga nasugatan dahil sa paputok, habang ang tatlo naman ay mga nakalunok ng paputok.
Sa kabutihang palad naman ay walang naitala ang DOH ng pagkasawi dahil sa paputok.
Bagaman bahagya pang nadaragdagan ang bilang, sinabi ni Tayag na malaki pa rin ang diperensya nito sa naitalang bilang noong bagong taon ng 2016 na umabot sa 904.
Gayunman, patuloy pa ang pagmo-monitor ng DOH hanggang January 5 dahil hinihintay pa nila ang mga delayed reporting mula sa ibang ospital sa iba pang bahagi ng bansa.