‘Saksi ako sa walong pagpatay ni Duterte’-Matobato

 

Kristine Angeli Sabillo/Inquirer.net

Saksi umano ang self-confessed killer at miyembro ng Davao Death Squad na si Edgar Matobato sa personal na pagpatay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa walo katao noong ito ay alkalde pa ng Davao City.

Sa panayam ng Inquirer.net kay Matobato, inamin nito na sa pitong pagkakataon, nasaksihan niya ang pagpaslang ni Duterte sa Ma-a quarry site sa Davao City.

Naganap aniya ang mga pagpatay sa pagitan ng 1998 hanggang 2000.

Gayunman, hindi naman nito mabanggit ang iba pang mga detalye ng mga um naturang insidente na aniya’y naganap sa kadiliman ng gabi.

Bigo rin itong matukoy ang pagkakakilanlan ng mga biktima.

Dagdag nito, malimit na pumupunta sa mga ‘execution’ ang dating alkalde sa tuwing ‘importanteng’ tao ang kanilang binabaril.

Malimit aniyang nakaupo ang biktima sa tuwing ito’y pinapuputukan ng alkalde.

Kinumpirma rin ni Matobato na isang ahente ng National Bureau of Investigation ang isa sa mga personal na pinaslang ni Duterte na nagngangalang ‘Amisola’.

Sa kuwento ni Matobato, inubos umano ng noo’y alkalde ng Davao na si mayor Duterte ang laman ng dalawang magazine ng Uzi submachine gun sa biktima.

Diumano, target umano ng DDS ang isang grupo ng mga kidnapper nang maharang umano ng sasakyan ng NBI agent ang death squad.

Dahil dito, pinaputukan umano ng DDS ang sasakyan ng biktima kasama na si Duterte, kuwento pa ni Matobato.

Sa pagsasaliksik, napatay ang NBI agent na si Vicente Amisola noong Feb. 1994.

Hindi naman ganap na makumpirma sa kasalukuyan ng Inquirer ang mga alegasyon ni Matobato laban kay Pangulong Duterte.

Read more...