Nais ng Russia na magkaroon rin ng joint exercises kasabay ang Pilipinas sa mga susunod na panahon na tututok sa pagresolba sa problema ng piracy at terorismo.
Ayon kay Eduard Mikhailov, deputy commander of Flotilla of Pacific Fleet of Russia, kailangan ng Philippine Navy ng tulong na resolbahin ang problema sa terorismo at piracy at handa silang tumulong sa aspetong ito.
Pahayag pa nito, kanilang gagawin ang kanilang makakaya upang maihatid ang kinakailangang suporta sa Pilipinas.
Nasa bansa ngayon ang dalawang sasakyang pandagat ng Russia para sa isang goodwill visit.
Ang Russian Navy anti-submarine ship Admiral Tributs at ang sea tanker Boris Butoma ay mananatili sa bansa hanggang Sabado.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na dumaong sa Pilipinas ang mga barkong pandigma ng Russia.
Una ay noong January 2012 samantalang ang ikalawang pagkakataon ay noong May 2016.