Kabuuang 134 na inmates ang isinama ng Department of Justice (DOJ) sa listahan ng kanilang inirerekomendang mabigyan ng presidential pardon.
Kabilang sa nasabing bilang ang mga preso na matatanda, may sakit, nakapagsilbi na ng sapat na panahon para sa kanilang sintensya at iyong mga nagpakita ng mabuting pagbabago sa loob ng piitan.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, isinumite na niya sa Board of Pardons and Parole ang nasabing listahan, dalawang linggo bago mag-Pasko.
Ani pa Aguirre, 100 sa mga nasabing preso ang inirekomenda niya para mabawasan ng sintensya, 18 naman ang iminungkahing mabigyan ng conditional pardon nang walang parole conditions, 15 conditional pardon na mayroong parole conditions, at dalawa namang absolute pardon.
Paliwanag naman ng kalihim, masyadong maraming inasikaso ang Palasyo kamakailan kaya posibleng hindi ito naasikaso agad.
Gayunman, pinakiusapan naman ni Aguirre si special assistant to the President Christopher Go na madaliin na ang pagproseso sa kanilang rekomendasyon.
Matatandaang sa anim na taong termino ng nagdaang administrasyon, walang nabigyan si dating Pangulong Benigno Aquino III ng executive clemency.