Inamin ng produksyon ng Metro Manila Film Festival entry na “Oro” na mayroong pinatay na aso habang ginagawa ang pelikula.
Ito ang pahayag ni Film Development Council of the Philippines Chairperson Liza Diño sa isang panayam.
Matapos makatanggap ng reklamo dahil sa isang eksena ng pelikula kung saan binabalatan ang aso bago iluto, nakipagpulong si Diño kasama ang ilang miyembro ng MMFF executive committee sa kinatawan ng pelikula. Ayon pa kay Diño, iginiit ng produksyon ng Oro na wala sa kanilang mga miyembro at maging sa casts nito ang nakisali sa pagpatay sa nasabing aso.
Pero giit ni Diño, nagsinungaling sa kanya ang production team ng pelikula nang una nitong sabihin na kambing ang pinatay kapalit ng aso.
Una nang nanawagan ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na tanggalin na sa mga entry ng MMFF ang nasabing pelikula at bawiin ang mga award nito dahil sa isyu ng pagpatay sa aso.