WATCH: Kakarampot na kita, ipinrotesta ng mga driver at pahinante ng truck ng basura sa QC

Nagwelga ang mga pahinante at driver ng mga trak ng basura na kumukulekta ng basura sa malaking bahagi ng Quezon City.

Dahil sa nasabing welga ng mga tauhan ng 316 Metro Transport Incorporated, naantala ang paghakot sa basura ng mga residente mula sa District 5 ng lungsod.

Kabilang dito ang Fairview, Lagro, Kaligayahan, Gulod, San Bartolome at iba pang lugar sa QC.

Sa mismong tanggapan ng kumpanya sa Payatas Road sa Quezon City isinagawa ang pagtitipon kung saan kanilang ipinoprotesta ang umanoy mababang pasahod sa kanila.

Hindi na muna sila bumiyahe ngayong araw para iparating ang kanilang mga hinaing sa may-ari ng naturang kumpanya na nagsisilbing kontraktor ng pamahalaang lungsod.

Anila, kada biyahe, kumikita lamang sila ng P90 hanggang P120 depende sa laki ng trak na ma-assign sa kanila. At dahil sa laki ng lugar na kanilang hinahakutan ng basura, nakaisang biyahe lang sila bawat araw at maswerte nang makadalawa.

Maliban dito, inerereklamo rin nila ang kawalan ng mga benepisyo na lalo pa umanong nagpapahirap sa kanilang sitwasyon.

Ang pahinante na si Mang Rodelio Roco ay naputulan pa umano ng daliri habang ginagampanan ang kanyang trabaho pero hindi man lamang umano siya binayaran ng kumpanya.

Banta pa ng mga welgista, tuloy- tuloy ang kanilang pagpipiket hanggat hindi natutugunan ang kanilang mga hinaing.

Nasa 400 ang mga pahinante ng 316 Metro Transport Incorporated sa buong Quezon City.

 

Read more...