Sa pagpapatuloy ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa paglaganap ng iligal na droga, pumalo na sa isang milyon ang bilang ng mga drug suspects na sumuko sa otoridad.
Base sa datos ng Philippine National Police (PNP), 74,944 na ang sumukong drug pushers habang 936,186 naman na ang sumukong drug users.
Ayon kay Communications Sec. Martin Andanar, kabatid-batid na naaabot na ng pamahalaan ang target nito sa kampanya laban sa iligal na droga, at na naging matagumpay ito.
Pero ani Andanar, bukod sa mga bilang na naitatala, mas nakita ang tagumpay na ito sa pagbaba ng crime rate ng bansa ng 32 percent, base na rin sa pinakahuling datos ng PNP.
Ngayon aniya, ang mahalaga ay mas kampante na ang mga tao na ligtas ang mga kalsada tuwing gabi dahil nabawasan na ang mga kaso ng theft, carjacking, robbery, rape, at physical injury.
Nabawasan rin ng 18 percent ang mga kaso ng murders kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa loob ng parehong panahon.
Malaki rin aniya ang ambag ng pagkakaroon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng matataas na satisfaction, approval at trust ratings, sa tagumpay ng laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.