Sa kaniyang pahayag, hiniling ni Lacson na sana ay maging matagumpay si Duterte sa kaniyang pamumuno, at na dapat pagtuunan niya ng pansin ang tatlong aspetong partikular niyang ipinunto.
Ito ay ang laban ng pamahalaan kontra iligal na droga, katiwalian, pati na ang mga kaugalian niya noon bilang alkalde na kaniya pa ring nadadala hanggang ngayon.
Ayon kay Lacson, bilang simula ay maaring hanapin ni Duterte sa search engine na Google kung paano ba maging totoong statesman.
Aniya pa, maaring maging “best president we’ve ever had” si Duterte sa Pilipinas, kung matututunan lang niyang lisanin na ang mga “old habits” niya bilang alkalde, at pag-aralan naman ang mga mabuting kaugalian ng isang national leader.
Kaya din aniya ni Duterte na makagawa ng pagbabago sa pag-puksa sa katiwalian, sa pamamagitan ng kaniyang political will at kagustuhang tapusin ang mga bagay na kaniyang ginagawa.
Oras aniya na maalis ang kurapsyon sa pamahalaan, naniniwala ang senador na mas may kakayahan ang bansa na umunlad.
Pinuri rin ni Lacson ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga, lalo na ang mas matinding lakas na ipinapakita ngayon ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).