Pinalutang na bankrupcy para harangin ang SSS pension hike, scare tactic lamang – Zarate

 

Iginiit ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na dapat nang itigil ng mga economic managers ng bansa ang pananakot sa pangulo at sa publiko na maba-bankrupt ang Social Security System (SSS) oras na itaas ang halaga ng pension.

Una na kasing sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pa niya inaaprubahan ang P2,000 na across-the-board pension hike sa SSS, dahil ito ang payo nina Budget Sec. Benjamin Diokno, Finance Sec. Carlos Dominguez III at National Economic Development Authority (NEDA) Director-General Ernesto Pernia.

Ayon kasi sa tatlong kalihim, posibleng ma-bankrupt ang SSS kung ipatutupad ang nasabing pension hike.

Bilang isa sa mga nagsusulong ng pension hike sa Kamara, inilarawan lang ito ni Zarate bilang isang “scare tactic,” na tulad ng ginamit ng nagdaang administrasyon.

Ginagamit lang aniya ng mga miyembro ng Gabinete ang nasabing “phantom adverse effect” para takutin ang pangulo at ang mga tao.

Lubhang katawa-tawa ani Zarate ang sinasabi ng mga kalihim, dahil maari naman itong hatiin ng ahensya sa dalawang tranches para makabawi pa rin ang kanilang pondo.

Ipinunto rin ni Zarate na ang panukalang P2,000 pension hike ay katumbas lamang ng P66 na dagdag na pondo para sa mga pangangailangan ng mga senior citizens.

Sa katunayan aniya, ang inisyal na P1,000 na dagdag na ipatutupad ngayong buwan ay katumbas lamang ng P33 na karagdagang arawan na pondo para sa mga matatandang pensioners.

Read more...