Ang kaso ay may kinalaman sa P200-million damage suit na inihain ni Vice President Binay laban kay Trillanes, Senador Alan Peter Cayetano, Caloocan Rep. Edgar Erice, Ombudsman Conchita Carpio Morales at iba pa.
Ang kaso ay napunta sa Makati RTC Branch 133.
Sa apat na pahinang liham na inihain ng kampo ni Trillanes kay Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez, ginawang batayan na mailipat ng lugar ang pagdinig ay ang impluwensya at kapangyarihan ng mga Binay sa Makati na humawak sa liderato ng lungsod sa loob ng mahigit dalawampu’t walong taon.
Idinagdag pa ng kampo ni Trillanes na sa loob ng 28 taong pamamayagpag sa Makati ng mga Binay, ang pamahalaang lungsod ay nagkakaloob ng allowances para sa mga opisyal ng hukuman at mga piskalya kabilang na ang pagpapagamit ng sasakyan.
Bagaman naniniwala umano si Trillanes na ang tulong na ibinibigay sa mga hukom at piskal ay hindi makakaapekto sa kanilang trabaho, mas mainam pa rin na maiwasan nang tuluyan ang anumang pagdududa./ Ricky Brozas