Patuloy ang paglobo ng kaso ng HIV/AIDS sa bansa kaya naman ang paulit-ulit ang payo ng Department of Health ay maging maingat upang hindi makakuha ng nakahahawang sakit.
Nakapagtala ng 772 bagong kaso ang DOH sa buwan lamang ng Hunyo at sa nasabing bilang ay 62 sa mga biktima ang namatay na dahil sa naturang sakit.
Ayon sa DOH, ang nasabing bilang ay 56% na mataas kumpara sa datos noong nakaraang taon.
Sa rekord ng HIV and AIDS Registry ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), sa 772 bagong kasong naitala ay 33 sa mga ito ay full-blown AIDS na nang maireport habang ang 62 na nasawi ay dahil sa ibat ibang komplikasyon dulot ng sakit.
Lumilitaw umano na kada araw ay 22 katao ang tinatamaan ng HIV/AIDS.
Pinakamaraming naitalang kaso sa National Capital Region (NCR), pangalawa sa Calabarzon at ikatlo sa Davao at Central Luzon.
Nabatid na mula lamang Enero hanggang HUnyo 2015 ay 3,929 na ang naitalang HIV/AIDS cases sa bansa kung saan 238 sa mga ito ay full-blown AIDS habang 156 ang kabuuang nasawi.
Ayon sa DOF hindi makikita sa panlabas na anyo lamang kung positibo sa HIV/AIDS kaya naman ang pinakamabisang depensa para makaiwas dito ay magkaroon lamang ng iisang kapareha at ang paggamit ng condom.
Kung nagkaroon umano ng multiple partners at nakakaranas ng sintomas ng HIV/AIDS gaya ng madalas na pagkakaroon ng ubo at sipon at panghihina ng katawan ay mainam na magpasuri na agad para mabigyan ng gamot, ang HIV umano ay hindi mauuwi agad sa AIDS kung maagapan sa gamot at mapapangalagaan ang sarili./ Ricky Brozas