Nagdeklara na ng state of calamity ang mga lokal na opisyal ng lalawigan ng Quezon, matapos rin itong masalanta ng bagyong Nina.
Dahil sa naturang bagyo, tinatayang nasa P150 milyon na ang halaga ng mga nawasak na pampubliko at pribadong ari-arian sa lalawigan.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang pagdedeklara ng state of calamity sa isang special session na isinagawa nila kahapon upang magamit ng mga ahensya ng gobyerno ang emergency funds para sa relief at rehabilitation.
Base sa talaan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, 28,400 na mga residente sa 26 na bayan ang kinailangang ilikas, o nawalan ng tirahan at kabuhayan dahil sa bagyo.
Pinakamalubha naman ang naranasan ng mga bayan ng San Andres, San Narciso, San Francisco at Mulanay sa Bondoc Peninsula.
Samantala ayon sa chief agriculturist ng lalawigan na si Robert Gajo, nangako si Agriculture Sec. Manny Piñol na bibigyan ng ilang milyong pisong halaga ng palay, mais at iba pang buto at makinarya ang mga magsasaka upang tulungang makabangon pagkatapos ng kalamidad.
Puspusan naman ang trabahong ginagawa ni Gov. David Suarez upang maibalik na agad ang kuryente sa mga apektadong lugar, pati na ang signal ng mga telepono.
Ayon naman sa pinuno ng DSWD-Quezon, patuloy ang pamimigay nila ng relief packs sa mga biktima ng bagyo sa San Andres, San Narciso, Mulanay at San Francisco, pati na sa iba pang bahagi ng lalawigan.