Mariing itinanggi ng US Embassy sa Pilipinas ang umano’y pagkakaroon nila ng “blueprint” para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pwesto.
Lumabas kasi sa isang ulat ng Manila Times noong Martes na nag-iwan umano si dating US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg ng isang “blueprint” para sa isang ouster kay Duterte.
Isa umano itong rekomendasyon sa US State Department para patalsikin sa pwesto ang Philippine President sa kaniyang opisina.
Sinagot ito ni Manila press attaché Molly Koscina, at iginiit na mariing pinabubulaanan ng embahada ang naturang ulat.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Koscina na malawak ang alyansa at relasyon sa pagitan ng US at ng Pilipinas, at na isa ito sa “most enduring and important relationships in tha Asia Pacific region.”
Ang pundasyon aniya ng relasyong ito ay pawang “shared sacrifices” para sa demokrasya at karapatang pantao, pati na ang matibay na “people-to-people and societal ties.”
Patuloy aniya nilang palalawakin ang relasyong ito ng US sa Pilipinas, at na pagtutulungan nilang mas paunlarin ang mutual interest ng dalawang bansa upang mapabuti pa ang kabuhayan ng mga Pilipino.
Una na ring itinanggi ng US State Department ang pakikibahagi sa anumang ouster plan laban kay Duterte.