Abot tenga ang ngiti ng mga opisyal ng barangay sa Davao City nang i-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na mamimigay siya ng nasa P50,000 na bonus sa mga ito, at lalo pang natuwa nang marinig sa pangulo na baka P100,000 pa ang kaniyang maibigay.
Ngunit wala pang sampung minuto ay lumapit si Presidential Management Staff Chief Christopher Go sa pangulo at bumulong.
Pagkatapos nito ay inanunsyo ni Duterte na makakatanggap ang bawat barangay captain lang ng P10,000, habang ang mga kagawad naman ay makakatanggap ng P3,000 na halaga ng bonus.
Bagaman biglang bumaba ang kanilang matatanggap na bonus, masaya pa rin na pinalakpakan ng mga ito si Pangulong Duterte.
Paliwanag naman ni Duterte, hindi mula sa kaban ng bayan ang perang ipamimigay niya sa mga ito kundi mula sa isang “tycoon” na hindi naman niya tinukoy kung sino.
Ang pera aniyang ito ay ibinibigay sa kaniya noon bilang campaign contribution ngunit tinanggihan niya ito at isinauli, ngunit tumanggi itong kunin ang pera.
Hindi aniya ito nakalagay sa kaniyang statement of contribution and expenses noong kampanya dahil hindi naman niya ito pormal na tinanggap.
Dahil aniya nasa kaniya pa ang perang ipinagkatiwala sa kaniya ng naturang tycoon, nagdesisyon siyang ipamigay na lang ang mga ito ngayong Pasko.
Mayroong 187 na barangay ang Davao City, kaya ibig sabihin nito ay P1.87 million ang ipamimigay ni Duterte para pa lamang sa mga barangay captain.
Bawat barangay naman ay may pitong kagawad, kaya inaasahang P3,927,000 ang ipamimigay nito sa bawat isa sa 1,309 na kagawad na tatanggap ng tig-P3,000.
Matatandaang panahon pa lang ng kampanya ay sinabi ni Duterte na maraming mga negosyante ang nag-aalok na pondohan ang kaniyang pagtakbo bilang presidente, kabilang na ang tycoon na si Lucio Tan.