Personal na inalam nina Defense Sec. Delfin Lorenzana at Armed Forces of the Philippines chief of staff Lt. Gen. Eduardo Año ang kalagayan ng Virac, Catanduanes matapos itong salantain ng bagyong Nina.
Dahil sa himpapawid dumaan ang dalawang opisyal, nasaksihan nila ang matinding pinsala na idinulot ng bagyong Nina sa pangkabuhayan ng mga residente doon.
Ayon kay AFP spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, nawasak kasi at nabuwag ang mga puno ng niyog na pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente, habang nadamay na rin sa mga napinsala ang abaca industry doon.
Nabanggit rin ni Padilla ang sinabi ni Catanduanes Gov. Joseph Cua na ito na ang pinakamalakas na bagyong tumama sa kanilang lalawigan sa loob ng sampung taon.
Gayunman, sinabi rin ni Cua na sa kabila ng pagkakasalanta ng kanilang lugar dahil sa bagyo, mapalad pa rin sila na walang naitalang nasawi sa kanilang lugar.
Ito aniya ay dahil na rin sa pakikipagtulungan ng mga residente sa preemptive evacuation.