Inanunsyo ni Pangulong Duterte na magbibigay ang pamahalaan ng P-50 milyong halaga ng ayuda sa mga magsasakang nasiraan ng pangkabuhayan dahil sa bagyo.
Sa kaniyang talumpati sa Pili, Camarines Sur, tiniyak ni Duterte sa mga biktima ng bagyo ang agarang tulong na ihahatid sa kanila ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para makabangon.
Hinikayat naman niya ang mga biktima ng bagyo na huwag kaawaan ang sarili, bagkus ay agad na bumangon at bumalik sa normal na pamumuhay.
Pagtitiyak niya pa sa mga residente, tumungo sila doon para tumulong dahil iyon ang kanilang trabaho at wala nang iba pa.
Sinabi rin ni Duterte na nabanggit sa kaniya ni Agriculture Sec. Manny Piñol na hindi bababa sa P50 milyong halaga ng financial assistance ang isang bagsakan nang ipamimigay ng Department of Agriculture sa mga apektadong magsasaka.
Ayon naman sa pangulo, posible niya pang doblehin ang halaga nito basta’t walang magaganap na kurapsyon sa mga pondo.