Isinailalim na sa state of calamity ang Lungsod ng Batangas, pati na ang bayan ng Tingloy, Batangas kasunod ng pananalasa ng bagyong Nina.
Ayon kay Mr. Rod dela Roca, pinuno ng City Disaster Risk Reduction and Management Council ng Batangas City matindi ang epekto na idinulot ng bagyo sa kanilang lungsod.
Lubha anyang naapektuhan ang Isla Verde na mayroong anim na barangay kung saan naglandfall ang bagyong Nina sa ikalimang pagkakataon.
Sinabi ni dela Roca na natanggalan ng mga bubong ang karamihan sa mga bahay doon.
Naapektuhan din anya ang walo pang coastal barangay sa mainland Batangas City.
Nawasak anya ang mga bangkang pangisda, mga panananim na saging, papaya, yellow corn gayundin naapektuhan ang mga livestock.
Maging ang mga mangga na bagong spray ng gamot para mamunga ay hindi rin pinalagpas ng hagupit ng bagyo.
Hindi pa rin naman anya nararating ng Isla Verde dahil sa masungit na karagatan at lubhang napaka delikado gayundin siniguro nito na may sapat na relief goods ang nakapreposition doon bago pa man tumama ang bagyo.
Samantala, dahil sa pinsalang idinulot ng bagyong Nina, nagdeklara na rin ang lokal na pamahalaan ng state of calamity sa bayan ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro.
Base sa naitala ng kanilang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, tinatayang nasa 1,222 ang mga bahagyang napinsalang mga kabahayan, habang 451 naman ang kabuuang bilang ng mga tuluyang nawasak sa kanilang bayan.