Pasok sa Top 10 photos of 2016 ng Time Magazine ang larawan ng isang bata na umiiyak sa tabi ng kabaong ng kanyang ama na biktima umano ng drug-related killings sa Pilipinas.
Itinuring na “most striking and lasting” topic sa buong mundo ang patayan na nagaganap sa ilalim ng kampanya ng Duterte administration laban sa iligal na droga.
Ang nasabing larawan ay kuha ng New York Times photographer na si Daniel Berehulak.
Makikita sa larawan ang batang si Jimji, anim na taong gulang na umiiyak sa tabi ng kabaong ng kanyang ama habang nakaburol ito.
Nasa Pilipinas noon si Berehulak para kuhanan ng litrato ang anti-drug campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Personal na pinuntahan ni Berehulak ang burol ng umano’y drug dealer na si Jimboy Bolasa na nakita ang katawan sa ilalim ng isang tulay sa Navotas.
Inamin ni Berehulak na nahirapan siya sa pagkuha ng litrato lalo pa’t nakita niya kung gaano nasaktan ang bata sa pagkamatay ng kanyang ama.
Samantala, kabilang din sa nakapasok sa top 10 photos ng Time Magazine ay ang kudeta sa Turkey, pagkakaaresto kay Leshia Evans sa gitna ng kilos protesta sa Baton Rogue, mga taong apektado ng airstrikes sa Syria, paglapag ng Air Force One sa Cuba at rescue operation sa Mediterranean Sea sa Libya.
Pasok din ang larawan ng mga refugee sa isang kampo sa Greece, pagbibigay ng talumpati ni US President-elect Donald Trump habang nakaupo, ang world’s fastest man na si Usain Bolt sa Olympics at view ng snowstorm sa US East Coast mula sa International Space Station.