Mga suspek na nahulihan ng P6 Billion na halaga ng shabu kinasuhan na

San Juan droga
Photo: Radyo Inquirer

Pormal nang ipinagharap ng kaso sa Department of Justice ang tatlong Chinese nationals at tatlong mga Pinoy kaugnay sa P6 Billion na halaga ng shabu na narekober sa magkakahiwayan na lugar sa San Juan City.

Ang mga kinasuhan ay sina Shi Gui Xiong, Chu Wen De at Wu Li Yong na pawang mga Chinese nationals.

Kasama rin sa mga kinasuhan ang kanilang mga kasama sa sindikato na mga Pinoy na kinilalang sina Abdullah Mahmod Jahmal, Salen Cocodao Arafat at Basher Tawaki Jahmal.

Noong December 23 ay sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation at Philippine Drug Enforement Agency ang kuta ng mga suspek sa Mangga st. Baranggay Little Baguio kung saan ay nakakumpiska ang mga otoridad ng 529 kilos ng shabu.

Sa kasunod na operasyon ay nakarekober naman ang mga otoridad ng ilang pakete ng shabu sa kahabaan ng A. Bonifacio st.

Sa ikatlong operasyon ng NBI at PDEA ay nakakuha sila sa mga suspek ng 101 kilos ng shabu mula sa isang sasakyan sa kanto ng Missouri at Annapolis st. sa lungsod pa rin ng San Juan.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 dahil sa paggawa, pagbebenta at pagtatago ng iligal na droga.

Walang inirekomenda ng piyansa ang piskalya para sa pansamantalang kalayaan ng mga suspek.

Read more...