Balik na sa normal ang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos na magkansela kahapon ng daan-daang flights dahilan para maapektuhan ang libu-libong mga pasahero.
Gayunman, ngayong araw ng Martes, December 27, may ilan pa ring kanseladong biyahe dahil sa hindi magandang panahon.
Sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), kanselado ang flight DG 6111 Manila to Naga at DG 6112 Naga to Manila ng Cebu Pacific.
Payo ng MIAA sa mga apektadong pasahero, makipag-ugnayan sa Cebu Pacific para sa rebooking o refund.
Samantala, sinabi ni MIAA, General Manager Ed Monreal na ngayong araw, magiging maayos na ang sitwasyon ng mga biyahe sa paliparan dahil marami nang delayed flights ang nakaalis kagabi.
Nakatulong aniya ng malaki ang paulit-ulit na abiso sa publiko na huwag na munang magtungo sa NAIA hangga’t hindi nakukumpirma ang kanilang biyahe para hindi ma-stranded sa terminals.