Tulong para sa mga biktima ng bagyong Soudelor, ipinanawagan ng international NGOs

 

Mula sa inquirer.net

Nananawagan na ng tulong para sa mga namatay, sugatan at nasalanta ng Supertyphoon Soudelor ang ilang Worldwide Non-Profit Organizations para sa mga biktima ng bagyo sa China at Taiwan.

Sa website ng World Vision at Red Cross Society of Republic of China kanilang inilarawan ang malaking epekto ng Soudelor sa naturang mga bansa.

Sa ulat ng Xinhua News Agency, umaabot na sa labingapat ang patay dahil sa matinding ulan na sinundan ng malaking baha at mudslides.

Labindalawang bangkay ang nakuha sa mga guho sa Wenzhu City samantalang dalawa naman ang nalunod sa Zheijang City na parehong matatagpuan sa Lishui Region.

Sinabi ng mga otoridad doon na ito na ang pinakamalakas at pinakamapinsalang bagyo na tumama sa rehiyon sa nakalipas na isandaang taon.

Iniulat din ng Chinese government na umaabot na sa 4-Billion Yuan ($870Million) ang pinsala ng bagyo sa lugar at nananatiling bagsak ang serbisyo ng kuryente at telecommunications sa Lishui Region.

Umaabot na sa 1.58Million na mga residente sa mga apektadong lugar ang napilitang lumipat sa mga matataas na lugar para maiwasan ang malalim na pagbaha.

Sa Taiwan, sinabi ng kanilang Interior Ministry na anim ang naitalang patay samantalang halos apat na raan ang sugatan sa pananalasa ng Super Typhoon Soudelor.

Ang mga casualties at sugatan ay nagmula sa Taoyuan Region na hinagupit ng malalakas na buhos ng ulan at pagbayo ng hangin na umaabot sa 230kph.

Hanggang sa mga oras na ito ay wala pa ring supply ng kuryente ang malaking bahagi ng Taiwan dahil sa mga nagbagsakang powerlines.

 

 

Read more...