Walong miyembro ng isang pamilya ang natagpuang walang buhay sa loob ng kanilang tahanan sa Houston.
Ayon kay Sergeant Craig Cloption, lead investigator, natagpuan ang labi ng mga biktima sa tatlong kuwarto ng bahay.
Lahat sila ay may tama ng bala ng baril sa katawan at nakaposas.
Kabilang sa mga biktima ang anim na bata na magkakapatid at nasa gulang na anim hanggang labingtatlong taon, at ang kanilang magulang.
Naabutan din ng mga otoridad ang suspek sa nasabing pagpatay na nasa loob pa ng bahay ng mga biktima.
Ayon kay Chief Deputy Tim Cannon, nagpunta sila sa bahay matapos makatanggap ng tawag at hilingin ng isa sa mga kaanak ng mga biktima na pasukin nila ang lugar.
Nang dumating sa bahay, sinilip ng isa sa mga pulis ang bintana ng isang kuwarto at doon nila nakita ang katawan ng isa sa mga biktima.
Nang tinangka ng mga pulis na pwersahing buksan ang pintuan ng bahay ay nagpaputolk ang suspek mula sa loob.
Sa huli nakumbinse rin ang suspek na si David Conley – 48 anyos, na sumuko.
Si Conley ay dating domestic partner ng isa sa mga nasawing biktima na si Valerie Jackson.
Posible umano ang dating relasyon ni Conley kay Valerie ang motibo nito sa krimen. Sinampahan na ng kasong capital murder si Conley./ Dona Dominguez-Cargullo