Kabuuang 26,811 pamilya o 114,933 na indibidwal ang kinailangang ilikas para mailayo sa panganib at pinsalang dulot ng bagyong Nina.
Ito ay ayon mismo sa 6pm Situational Report ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Pawang mga mula sa Regions 4-A, 4-B, V at VIII ang mga inilikas na residente.
Sa naturang bilang, 22,078 pamilya o 93,271 ang kasalukuyang nananatili sa 367 na mga evacuation centers, habang ang 5,243 pamilya naman o 1,206 na indibidwal ay piniling manuluyan muna sa kanilang mga kaanak o kaibigan.
Sa pagtataya rin ng DSWD at NDRRMC, nasa 27,085 na pamilya ang bilang ng mga naapektuhan ng bagyong Nina sa 395 na banrangay sa mga nasabing rehiyon.
Umabot naman sa 16,155 ang mga pasaherong nanatiling stranded sa 20 pantalan; 2 sa Calabarzon, 3 sa Minaropa, 11 sa Region 5 at 4 sa Region 8.
Samantala, magbibigay naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP), sa tulong ng DSWD-Calabarzon ng mainit na makakain sa nasa 1,500 pasaherong na-stranded sa port of Batangas.
Magbibigay rin ang DSWD mga kanin at de latang pagkain para mailuto.