Mga diamanteng umano’y ninakaw, natagpuan ng BOC sa isang Balikbayan box

jewelry2-620x827Natagpuan ng Bureau of Customs (BOC) ang 22 piraso ng mga umano’y nakaw na diamante, nang buksan nila ang isang balikbaan box na ipinadala mula sa Malaysia.

Sa isang pahayag, sinabi ni BOC Commssioner Nicanor Faeldon na ang mga diamante ay nakalagay sa isang plastic resealable pouch na maiging isiniksik sa isang wallet na laman ng kahon na ipinadala ng isang Arturo R. Rivera mula sa Kuala Lumpur.

Nakapangalan ang balikbayan box sa isang Lajane Basilio ng Purok 1, Luakan, Bataan. Inihahanda naman na ng BOC ang mga kasong isasampa laban kina Rivera at Basilio.

Ayon kay Faeldon, nakapanlulumo na kinakailangan nilang kumpiskahin ang isang balikbayan box mula sa mga overseas Filipino workers, na sa pagkakaalam nila ay naglalaman lang ng mga pang-regalo sa kanilang mahal sa buhay dito sa Pilipinas.

Gayunman aniya, hindi naman nila maaring kunsintihin ang mga Pilipinong nasa abroad na ginagamit ang balikbayan boxes para sa smuggling.

Ayon pa kay Faeldon, itinimbre sa kanila ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran ang impormasyon tungkol sa mga diamonds na nasa balikbayan box.

Dumating ang kahon sa bansa noong December 5, na dinala ng vessel na Sigma Genesis 0231 mula sa Westport ng Port Klang, kasama ang 245 na iba pang packages.

Hindi naman na nagbigay ng iba pang detalye ang BOC tungkol dito, katulad na lamang ng kung sino talaga ang may-ari ng mga diamante.

Inaalam pa din ng BOC ang kabuuang halaga ng 22 diamante, na kasalukuyang nasa kustodiya na ni Manila International Container Port District Collector Philip Maronilla.

Read more...