Russia, patuloy sa paghahanap ng mga bahagi ng military plane na bumagsak sa Black Sea

Russia-Military-Plane_Inte-620x413Natagpuan ng mga otoridad sa Russia ang ilang bahagi ng bumagsak na military plane nila sa Black Sea, matapos ang malawakang search operation.

Pinaniniwalaang nasawi ang lahat ng 84 na pasahero at walong crew ng Tu-154 ng Russian military na nag-crash noong Linggo, dalawang minuto lang matapos itong mag-take off mula sa Sochi city patungong Syria.

Sakay ng nasabing eroplano ang dose-dosenang singers ng kanilang military choir na sikat sa buong mundo.

Mas itinutuon naman ng mga otoridad ang kanilang pansin sa anggulong pilot o technical error ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano at na hindi ito isang hakbang ng terorismo.

Sakay ng 45 barko ang 3,500 katao, kabilang na ang 135 divers na nagtulung-tulong sa paghahanap sa mahigit 10 square kilometers ng dagat upang makita ang mga katawan at mga bahagi ng eroplano.

Pagdating ng Lunes ng hapon, nakita ng mga divers ang ilang bahagi ng jet, isang milya ang layo mula sa pampang at 25 meters sa ilalim ng dagat.

Apat na maliliit na piraso ng fuselage naman ang narekober sa lalim na 27 meters, ngunit labis na nahihirapan ang mga divers sa paghahanap dahil sa malakas na current.

Partikular namang hinahanap ng mga otoridad ang black boxes ng eroplano upang malaman kung ano ang mga nangyari bago ito bumagsak.

Nagdeklara naman ng day of mourning si Russian President Vladimir Putin kahapon, kaya lahat ng mga bandila ay nakahalf-mast lang at lahat ng entertainment programs sa telebisyon ay pansamantalang hindi pina-ere.

Read more...