Karamihan sa mga lugar na tinumbok ng bagyong “Nina” ay mga bahagi ng mga lalawigang nasa timog na bahagi ng Luzon.
Kabilang sa mga matinding nasalanta ay ang Bicol region, partikular ang Camarines Sur, na agad isinailalim sa state of calamity ng lokal na pamahalaan kahapon.
Sa mga aerial shots na ibinahagi ng Office of Civil Defense-Region 5, makikita ang matinding pinsalang naranasan ng ilang bahagi ng Camarines Sur.
Makikita dito ang mga nabuwag na puno, sirang mga taniman at mga tahanang natanggalan ng mga pader at bubong, kung hindi man tuluyang gumuho.
Hindi naman bababa sa 4 ang naitalang nasawi sa Bicol region, kabilang ang tatlo sa Albay at isa sa Catanduanes.
Maraming kalsada rin ang hindi madaanan dahil sa pagbagsak ng mga puno at pagguho ng lupa, pero inaasikaso na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang clearing operations para dito.
Bago pa man tuluyang manalasa ang bagyo sa bansa, iniutos na agad ng lokal na pamahalaan ang pagpapalikas sa mga residente, upang makaiwas sa mas matinding pinsala ng bagyo.