SAF Commando sa OPLAN Exodus kinilala bilang isa sa top ten police officers

Inquirer file photo

Nakasama ang isa sa mga miyembro ng Special Action Force (SAF) na nagpatupad ng ‘Oplan Exodus’ sa mga kinilala bilang isa sa sampung Outstanding Police Officers in Service sa bansa para sa taong 2015.

Ang Country’s Outstanding Police Officers in Service o COPS ay taunang iginagawad ng Metrobank.

Si PO2 Adolfo Andrada ay dating miyembro ng SAF 84th Special Action Company, ang unit na unang sumalakay sa bahay ng napatay na International terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.

Ngunit ang naging papel ni Andrada sa 2013 Zamboanga City Siege ang kinilala ng mga hurado,

Ayon kay Andrada, ibinabahagi niya ang nakuha niyang parangal sa mga dati niyang kasamahan sa SAF. Ngayon kasi ay isa ng tactical instructor sa isang regional police office si Andrada.

Samantala, isa din sa mga awardees si SPO4 Florante Obina, na nanguna naman noon sa paghiling sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na mabigyan ng medal of valor ang SAF gallant 44.

Bukod kina Andrada at Obina, kabilang din sa 2015 COPS sina Sr. Supt. Marlo Meneses, Sr. Insp. Maricris Mulat, Sr. Supt. Camilo Cascolan, Sr. Supt. Valfrie Tabian, SPO1 Aurora Joy Manuela, SPO3 Dino Sagayo, SPO2 Dominador Canlas at PO2 Mary Catherine Demontanio. / Jan Escosio

 

Read more...