Ilang magkakahiwalay insidente sa karagatan ang naitala ng Philippine Coast Guard habang nananalasa ang bagyong Nina.
Sinabi ni Philippine Coast Guard Spokesman Commander Armand Balilo, unang naireport sa kanilang tanggapan na umano’y lumulubog na sa karagatang sakop ng Catanduanes ang isang barko na hindi pa pinapangalanan samantalang dalawang RoRo ship naman ang sumadsad sa lalawigan ng Batangas.
Isang tanker rin ang naiulat na sumadsad sa Marinduque kaya kaagad silang nagpadala ng oil response team para ma-assess ang lugar kung nagkaroon ng oil spill.
Alas-sais ng umaga kanina nang tumanggap ng distress call ang PCG Headquaters nang sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatan sa Marinduque ang Mt. Obama
Pasaso alas-onse naman ng umaga nang mag-report ang mga crew ng MV Roro 5 kung saan ay kanilang sinasabi na unti-unti nang lumulubog ang kanilang barko sa bahagi ng Mabini, Batangas.
Bukod sa mga crew ay wala namang ibang pasahero ang nasabing sasakyang pandagat.
Hanggang sa ngayon ay hinahanap pa rin ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang walo mula sa dalawampu’t dalawang crew ng MV Starlite Atlantic na lumubog sa karagatan malapit sa Tingloy Island sa Batangas.
Pahirapan ang paghahanap dahil nanatiling malakas ang alon ng dagat doon ayon sa ulat ng rescue team ng PCG.
Samantala, ilang mga motorized banca rin ang naiulat na lumubog sa bahagi ng Occidental at Oriental Mindoro habang nasa kasagsagan ng bagyong Nina kanilang umaga.
Ang bagyong Nina ay unang nag-landfall sa Bato, Catanduanes pasado alas-sais ng gabi araw ng Linggo at ang ikawalong landfall naman ay naitala kanilang pasaso ala-una ng tanghali sa Lubang Island, Occidental Mindoro.