Umabot na sa mahigit dalawangdaang libong katao ang naapektuhan ng bagyong Nina mula sa dalawang rehiyon sa bansa.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa kabuuan, umabot na sa 44,000 na mga pamilya ang naapektuhan ng bagyo.
Katumbas ito ng 218,073 na katao mula sa Regions 5 at 8.
Samantala, mula umaga ng Lunes, nagsagawa na ng preemptive evacuation mga bayan ng Taal, Calaca at San Juan sa Batangas at maging sa Batangas City.
Sa bayan ng Taal, nasa 171 na katao ang nanunuluyan pansamantala sa Taal National High School at patuloy pa ang ginagawang paglilikas sa mga apektadong pamilya.
Sa Calaca Central School naman, 90 pamilya rin na ang nananatili na pawang inilikas mula sa Barangay Salong, sa bayan ng Calaca.
May 39 na katao naman ang inilikas sa Barangay Catmon sa bayan ng San Juan batangas at ngayon ay nanunuluyan sa Tipas Elementary School.
Samantala, kabilang sa nakaranas na ng power outage sa lalawigan ng Batangas ang mga bayan ng Rosario, San Jose, Malvar, Agoncillo, Tanauan City, Balete, Lobo at San Juan.