Ang bayan ng San Jose Camarines Sur, ang isa sa mga bayan na matinding naapektuhan ng bagyong ‘Nina’.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, ikinwento ni Mayor Tony Chavez, ng bayan ng San Jose na dakong alas 8:30 ng gabi kagabi nang kanilang maramdaman ang ngitngit ng napakalakas na hangin na may kasamang ulan.
Dahil sa malakas na hangin, nawalan ng kuryente ang kanyang bayan at ang malaking bahagi ng lalawigan ng Camarines Sur.
Bago pa man dumating ang bagyo, nasa 2,000 pamilya rin na nakatira sa baybayin ng San Jose ang kanilang inilikas at nananatili sa mga evacuation centers.
Kanilang tiniyak na aniya na sapat ang mga kinakailangang relief supply ng kanyang mga kababayan na namamalagi sa mga evacuation center.
Dagdag pa ni Mayor Chavez, ito na ang pinakamalakas na bagyo na kanyang naranasan sa kasalukuyan.
Sa kasagsagan ng panayam, patuloy ang putul-putol na signal ng komunikasyon sa bayan dahil sa malakas na hangin at ulan.