Rep. Gloria Arroyo, pinayagan ng korte na mabisita ang kapatid sa Makati Medical Center

Aug 10 Arroyo
Inquirer file photo

Pinayagan ng Sandiganbayan si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa kahilingan nitong makalabas ng ospital at mabisita ang maysakit niyang kapatid.

Pinaburan ng anti-graft court ang mosyon ni Arroyo na humihiling na mapayagan siyang manatili sa Makati Medical Center (MMC) mula alas 3:00 ng hapon hanggang alas 8:00 ng gabi bukas, August 11.

Sa nasabing ospital naka-confine ang kuya ni CGMA na si Arturo Macapagal na mayroong stage four prostate cancer. Ang dating pangulo ay kilalang malapit na malapit sa kanyang kapatid na si Arturo.

Nakasaad sa mosyon na nais ni CGMA na mabisita ang kuya habang ito ay nakakakilala pa. “President Arroyo once again comes before the Honorable Court as a supplicant. She is constrained by terrible circumstances to ask the Honarable Court for permission to visit her brother as soon as possible, while he is still alive and can still recognize her,” nakasaad sa dalawang pahinang mosyon ni Arroyo.

Nabatid na isinugod sa ospital ang 72-anyos na kuya ni Arroyo noong July 2 at nanatiling bed-ridden at nasa intensive care unit. Sa pagsusuri ng mga duktor, posible umanong lumala pa ang sitwasyon ng kuya ni CGMA sa susunod na mga araw.

Si dating Pangulong Arroyo ay nahaharap sa kasong plunder sa Sandiganbayan 1st division dahil sa umano ay pagwawaldas sa P366 milyon na intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong panahong siya ay pangulo pa ng bansa.

Simula October 2012 ay nakasailalim na sa hospital arrest si Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City./ Chona Yu

Read more...