(UPDATE) Napanatili ng bagyong Nina ang lakas nito habang patuloy na nagbabanta ng pananalasa sa Bicol region.
Ayon sa pinakahuling severe weather bulletin ng PAGASA, taglay pa rin nito ang lakas ng hangin na aabot sa 185 kilometers per hour at pagbugso na 255 kilometers per hour.
Napanatili pa rin nito ang bilis na 15 kilometers per hour sa direksyong pa-kanluran.
Huling namataan ang sentro nito sa 110 km East ng Virac, Catanduanes.
Dahil sa paglakas nito, itinaas na ang tropical cyclone signal number 4 sa lalawigan ng Catanduanes at Camarines Sur.
Inaasahang magla-landfall ang bagyo ngayong hapon o mamayang gabi sa Catanduanes.
Nakataas naman ang Signal No. 3 sa Burias Island, Albay, Camarines Norte, Southern Quezon, Sorsogon at Marinduque.
Signal No. 2 sa Metro Manila, Masbate kasama na ang Ticao Island, Oriental Mindoro, Batangas, Laguna, nalalabing bahagi ng Quezon kasama na ang Polillo, Romblon, Cavite, Rizal, Bulacan at Northern Samar.
Signal No. 1 naman sa Pangasinan, Nueva Ecija, Aurora, Quirino, Nueva Vizcaya, Zambales, Pampanga, Tarlac, Occidental Mindoro kasama na ang Lubang Island, Calamian Group of Islands, Bataan, Aklan, Capiz, Samar, Eastern Samar, Biliran, Leyte at Bantayan Island.
Nagbabala naman ang PAGASA sa mga nagsi-uwian sa mga lalawigan para magdiwang ng pasko.
Ayon sa PAGASA, mas makabubuting agahan ang pag-uwi at huwag nang ipagpabukas pa dahil bukas inaasahang mararanasan ang malakas na hangin at ulan partikular na sa Metro Manila.
Payo din nila, alamin ang lagay ng panahon sa mga dadaanan pauwi at manatiling maalam sa mga updates ng PAGASA ukol sa bagyo.