Sa 11AM weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang severe tropical storm Nina sa layong 790 kilometer East ng Guiuan, Eastern Samar.
Taglay na ngayon ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 105 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 130 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 25 kilometer bawat oras sa direksyong West Northwest.
Ayon sa PAGASA, sa December 25 ng hapon o gabi tatama sa lupa ang bagyo, at sa December 26 ito magsisimulang maramdaman sa Metro Manila.
Mamayang hapon o gabi ay maaring magtaas na ng public storm warning signal number sa Bicol region at sa Samar area.
Habang sa Metro Manila, may posibilidad din na magtaas ng storm warning signals number 2 hanggang 3 depende sa lakas ng bagyo matapos itong makapaglandfall.
Sa Miyerkules ng hapon o gabi inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo.