Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasara ng operasyon ng lahat ng mga online gambling operations sa bansa.
Sinabi ng pangulo na wala namang pakinabang sa mga ganitong uri ng sugal ang bansa.
“I am ordering the closure of all online gaming (firms). Lahat. Walang silbi ito (All of them. They have no use),” ayon sa pangulo makaraan niyang lagdaan ang 2017 National Budget sa Malacañang.
Ipinaliwanag naman ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na sakop ng kautusan ng pangulo ang lahat ng mga online gambling firms sa bansa.
Sa kanyang talumpati, muling binanggit ng pangulo ang kanyang utos na hulihin ang gambling tycoon na si Jack Lam na nasa likod ng ilang online gaming operations sa Pilipinas dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Muli ring binanatan ng pangulo ang Bangko Sentral at ang Anti-Money Laundering Council dahil sa kabiguan nilang makipagtulungan sa gobyerno sa kampanya kontra sa money laundering.