Bus, sinunog ng mga armadong kalalakihan sa S. Cotabato

 

Sinilaban ng mga hindi nakilalang armadong kalalakihan ang isang bus na may biyaheng South Cotabato at Koronadal City, Biyernes ng gabi.

Ito na ang ikaapat na bus na sinunog ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa lalawigan, at ika-anim nang pag-atake laban sa mga bus companies simula pa noong November 13.

Ayon kay South Cotabato police provincial director Supt. Franklin Alvero, patungo sanang General Santos City mula sa Cotabato City ang Husky Bus, sa pamamagitan ng bayan ng Isulan sa Sultan Kudarat at Tacurong City.

Ayon aniya sa mga testigo, isang lalaki ang sumakay sa pampasaherong bus sa Tacurong City, at pagdating sa Brgy. Morales, pumara siya ito upang makababa.

Nang itinabi na ng driver ang bus sa gilid ng daan, biglang umakyat ang anim hanggang walong kalalakihan na armado ng mga hand guns at pinaalis ang driver.

Isang pasahero naman ang nagsabi sa mga pulis na sinabihan ng lalaking mula sa Tacurong na pumara sa harap ng isang hotel, ang mga kapwa niya pasahero na bumaba na sa bus dahil sisilaban na ito.

Pagkatapos nito ay binuhusan na ng mga suspek ng gasolina ang bus at saka sinilaban.

Naniniwala naman si Koronadal City Mayor Peter Miguel na mga dayo mula sa ibang lungsod ang mga nasa likod ng pag-atakeng ito.

Hindi aniya tulad ng mga naunang pag-atake laban sa mga bus units, hindi nagpakilala ang mga suspek o kung anong organisasyon ang kanilang kinabibilangan.

Basta lang umano sinabihan ng mga ito ang mga pasahero na bumaba na sa bus, at saka nila sinunog ang sasakyan bago kumaripas sa pag-takas.

Ito na ang ikalawang pag-atake sa Husky Bus simula November 27, habang dalawang bus rin ng Yellow Bus Lines ang sinunog ng mga suspek na nagpakilalang mga komunistang guerillas mula sa Tupi at Sto. Niño mula noong November 13.

Read more...