Bureau of Fire Protection, handang tumugon sa mga lugar na mawawalan ng suplay ng tubig

Mula sa inquirer.net

Tiniyak ng Bureau of Fire Protection o BFP na mayroon silang contingency plan sakaling magkaroon ng insidente ng sunog sa panahon ng water service interruption ng Maynilad Water Services sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite bukas (August 10).

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni BFP Public Information chief Supt. Renato Marcial na may pagkukunan pa rin ng tubig ang BFP kung may maitatalang sunog sa mga lugar na apektado ng water interruption.

Ayon kay Marcial, tukoy ng BFP ang mga pinakamalapit na lugar kung saan pupwedeng kumuha ng tubig.

May mga lokal na pamahalaan din aniya na maaaring tumulong sakaling kapusin sa suplay ng tubig ang BFP.

Pinayuhan naman ni Marcial ang mga residente, lalo na ang maaapektuhan ng water interruption, na mag-ingat laban sa sunog.

Hangga’t maaari raw ay iwasan ang paggamit ng mga kandila o electric appliances na makakapagdulot ng sunog.

Handa ang BFP na tumulong sa mga maaapektuhan ng nakatakdang water interruption ng Maynilad Water Services bukas.

Ayon kay Supt Renato Marcial, tagapagsalita ng BFP, handa ang BFP para mamigay ng tubig sa mga apektadong residente.

Gayunman, nilinaw ni Marcial na kailangan ng coordination mula sa water concessionaire ukol sa pagdedeliver ng mga tubig.

Binigyang diin ni Marcial na ang primary purpose pa rin ng mga truck ng BFP ay fire fighting o pagresponde kapag mga insidente ng sunog.

Kung kailangan talaga ng Maynilad at mga lokal na pamahalaan ang tulong ng BFP ay handa silang tumugon dito./ Isa Avendaño-Umali 

 

Read more...