Pinalaya na ang tinatayang nasa 600 Chinese nationals mula sa 1,316 na naarestong iligal na nagtatrabaho sa Fontana Leisure Parks and Casino ni gambling tycoon Jack Lam matapos magpiyansa ng mahigit 30 milyong piso.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, pinayagan ng Bureau of Immigration ang Chinese workers na may legitimate visa na magpiyansa ng 56,000 kada isa para sa pansamantalang kalayaan.
Gayunman, hindi maaaring lumabas sa bansa ang mga ito.
Sinabi ni Aguirre na ang law firm na naglagak ng piyansa ay posibleng may kaugnayan kay Lam.
Nilagdaan ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang kautusan ng pagpapalaya sa naturang Chinese workers.
Kabilang din sa lumagda ang mga nasibak na associate commissioners na sina Al Argosino at Mike Robles na sangkot sa diumano’y pangingikil kay Lam.