Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 42 taon, magbibigay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 30 percent discount para sa mga estudyante, senior citizens at persons with disability na manonood ng alinman sa walong entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ginawa ito ng MMDA matapos imungkahi ng ilang mga producers bilang isang paraan para naman maengganyo ang mga manonood na panoorin ang lahat na walong pelikula, at maging matagumpay ang MMFF.
Ayon kay MMDA general manager Tim Orbos, inaprubahan ng MMFF executive committee ang nasabing proposal, pero paiiralin lang ito sa ikatlong araw na ng MMFF o sa December 27, hanggang sa matapos ito sa January 3, 2017.
Pinabulaanan naman ni Orbos ang lumabas na isyung nais i-pull out ng Star Cinema ang kanilang entry na “Vince & Kath & James” dahil sa naturang 30-percent discount sa mga tickets.
Giit ni Orbos, tulad ng ibang producers, suportado rin ng Star Cinema ang inisyatibang ito upang mas marami ang manood sa film festival.
Kabilang naman sa iba pang mga entries ay ang “Die Beautiful,” “Kabisera,” “Seklusyon,” “Ang Babae sa Septic Tank 2,” “Oro,” “Saving Sally,” at “Sunday Beauty Queen.”