Pansamantalang isinailalim ng Bureau of Corrections (BuCor) sa lockdown ang New Bilibid Prisons (NBP) Martes ng umaga matapos maka-puga ang isang preso.
Nakilala ang preso na si Manuel Paril Jr. na isang kilalang kriminal sa lalawigan ng Quezon, na nagsisilbi ng kaniyang sintensya para sa mga kasong homicide at fustrated homicide.
Dahil dito ay bumuo si BuCor Director Gen. Benjamin Delos Santos, ng seven man team para hanapin si Paril at nag-deklara ng lockdown sa piitan sa pag-asang hindi pa ito nakakalabas o nakakalayo mula sa bisinidad ng Bilibid.
Ngunit pagdating ng alas-6:00 ng gabi ay inialis na ng BuCor ang lockdown dahil hindi na mahanap ng mga otoridad si Paril, na hinihinalang nakalabas na sa NBP grounds.
Hinihinalang nakatakas si Paril matapos sirain ang isang access door sa ikalawang palapag sa administraion building ng NBP.
Makukumpleto na sana ni Paril ang kaniyang sentensya ngayong buwang ito. Nailabas na rin si Paril dahil sa parole, ngunit ibinalik rin sa piitan dahil sa paglabag niya dito.
Bukod sa mga nasabing kaso, mayroon pa palang nakabinbin na dalawang kasong rape si Paril sa Gumaca, Quezon.