‘Kinumpiskang’ US drone, isinoli na ng China

 

Ibinalik na ng China ang underwater drone ng Amerika na tinangay ng isa sa kanilang naval vessel habang naglalayag sa South China Sea noong nakaraang linggo.

Sa kanilang mensahe, inihayag ng defense ministry na matapos ang isang ‘maayos na konsultasyon’ sa pagitan ng kampo ng China at US, isinoli na nila ang naturang drone sa panig ng Amerika kahapon.

Ayon naman sa Pentagon, nailipat sa kustodiya ng mga crew ng guided missle destroyer USS Mustin ang drone malapit sa lugar kung saan ito ‘kinuha’ ng China.

Matapos na maibalik, nanawagan ang Pentagon sa China na tumalima sa ‘international law’ at iwasan nang harangin ang kanilang mga aktibidad sa naturang lugar.

Patuloy na iginigiit ng Amerika na nananatiling umiiral ang freedom of navigation at international law sa South China Sea.

Matatandaang noong nakaraang linggo, ipinrotesta ng Amerika ang ‘pagtangay’ ng China sa isa nilang underwater drone na anila’y isang uri ng ‘unlawful seizure’.

Read more...