Duterte, dapat imbestigahan ayon sa UN human rights chief

 

File photo

Nanawagan si United Nations (UN) High Commissioner for Human Rights Zeid Al Hussein sa mga otoridad sa Pilipinas na imbestigahan si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng pag-amin niya na may mga napatay siya noon.

Bukod dito, nais rin ng UN human rights commission na imbestigahan si Duterte dahil sa teribleng epidemya ng extrajudicial killings sa bansa.

Ayon kay Zeid, dapat ipakita ng mga otoridad dito sa bansa ang pagtupad nila sa kanilang pangakong paiiralin nila ang batas, pati na ang pagkakasarinlan nila mula sa ehekutibo sa pamamagitan ng paglulunsad ng imbestigasyon.

Hindi aniya niya sukat akalain na hindi maglulunsad ng imbestigasyon ang isang functioning judicial system, sa kabila ng pag-amin ng isang tao na siya ay killer.

Dagdag pa ni Zeid, ang mga hakbang ni Duterte ay isang direktang paglabag sa mga karapatang nakasaad sa Saligang Batas, gayundin sa international law.

Aniya pa, kailangang iharap sa hustisya ang mga kriminal upang magbigay ng mensahe na hindi kinukunsinte ng pamahalaan ang anumang uri ng karahasan, at na walang sinuman ang nangingibabaw sa batas.

Naglabas ng ganitong pahayag si Zeid kasunod ng mga naging pahayag ni Duterte kamakailan kung saan inamin niya na nakapatay siya ng tatlong hinihinalang kidnappers noong siya pa ay alkalde pa lamang.

Naikwento rin ni Duterte na rumoronda siya noon tuwing gabi sakay ng motorsiklo, para maghanap ng mga kriminal na mapapatay para tularan siya ng mga pulis.

Read more...